Alubihod

Alubihod
Isang tagong dalampasigan sa Isla Guimaras (Kuha ni J. I. E. Teodoro)

Tuesday, January 29, 2013

Garcia naglunsad ng bagong libro

Inilunsad noong ika-24 ng Nobyembre 2012 sa Lungsod Iloilo ang libro ng mga maikling kuwento ni Felino S. Garcia, Jr. na pinamagatang Idolo: Mga Sugilanon sang Gugma kag Pagbiya na inimprenta ng Central Books.
            Binubuo ito ng siyam na kuwento tungkol sa ligaya at lumbay ng bading na pag-ibig: “Bulag-Tuig,” “Gugma kag Pamatbat,” “Hingalit nga Gugma,” “Pagbiya,” “Always,” “Idolo,” “Sa Idalum sang Handong,” “Mga Handum,” at “Ginbuy-an, Ginbayaan.”
            Ang Idolo ay pangalawang koleksiyon ng mga bading na maikling kuwento sa Hiligaynon ni Garcia. Ang una ay ang Sa Pagtunod sang Adlaw: Mga Sugilanon na inimprenta rin ni Central Books noong 2011.
            Ang librong ito ay may introduksiyon nina J. I. E. Teodoro at Jesus C. Insilada. Ayon kay Insilada, isang magaling din na manunulat ng sugilanon, “Puno sang kalipay kag pagpabugal nga ginarekomendar ko nga basahon ninyo ang mga sugilanon nga nalakip diri sa libro sang akong idolo nga si Felino S. Garcis, Jr., kamo nga mga tunay nga lalaki, tunay nga babaye, mga tomboy kag mga agi, nagpangbiya man ukon binayaan, kamo tanan, kita tanan nga nagatuo sa gahom sang gugma. (Puno ng ligaya at pagmamalaki kong inirerekomenda na basahin ninyo ang mga sugilanon na nakasama rito sa libro ng aking idolo na si Felino S. Garcia, Jr., kayo na mga tunay na lalaki, tunay na babae, mga tomboy at mga bakla, nang-iwan o iniwanan, kayo lahat, tayong lahat na naniniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig.)”  
            Si Garcia ay tubong Lungsod Bacolod. Unang naging kilala bilang makata sa Ingles. Inilathala ang kaniyang kalipunan ng mga tulang Ingles na Heartsong and Other Poems ng Imprenta Igbaong noong 2008. Nanalo ng ikalawang gantimpala sa Palanca ang kaniyang kuwentong “Sa Hingapusan” noong 2007. Nakatanggap na rin siya ng mga gawad mula sa HomeLife Magazine Poetry Contest para sa kaniyang mga tula.
            Nagtapos si Garcia ng B.A. History sa Unibersidad ng Pilipinas Visayas-Iloilo kung saan siya nagturo sa loob ng sampung taon, at ng M.A. History sa Ateneo de Manila University. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa isang call center sa Lungsod Taguig, Metro Manila. [literaturanghiligaynon.blogspot.com]

No comments:

Post a Comment