Alubihod

Alubihod
Isang tagong dalampasigan sa Isla Guimaras (Kuha ni J. I. E. Teodoro)

Sunday, September 23, 2012

Rebyu: May Isa Ka Kuring nga Hari ni Alice Tan Gonzales


May Isa Ka Kuring nga Hari Kag Iban Pa nga Sugilanon Para sa Kabataan (Seguiban Printing, 2010, 60 pahina)

 
ANG May Isa Ka Kuring nga Hari (May Isang Pusang Hari) ang ikalawang libro ni Alice Tan Gonzales. Ang una ay ang Sa Taguangkan sang Duta nga inilathala rin ang Seguiban Printing sa Lungsod Iloilo noong 2009.
            Binubuo ang librong ito ng pitong maikling kuwento: “Ang Pagpasimpalad ni Chikitiki sa Ibabaw sang Lamesa” (Ang Pakikipagsapalaran ni Chikitiki sa Ibabaw ng Mesa), “Si Porong kag ang mga Tulabong” (Si Porong at ang mga Tagak), “Si Shuboy Subay,” “Si Paking Sulog,” “Ang Tagataga, ang Tiki, ang Kuring at ang Pari” (Ang Mantis, ang Butiki, ang Pusa at ang Pari), “Si Bogie kag si Oyong” (Si Bogie at si Oyong), at “May Isa Ka Kuring nga Hari.”
            Nasa anyong parabula ang mga ito. At gaya ng inaasahan sa mga librong pambata, nagtuturo ng leksiyon ang mga kuwento tulad ng pagsunod sa bilin ng mga magulang, ang halaga ng kasipagan, pakikipagkaibigan, at pakikipagkapwa tao.
            Napapanahon ang paglathala ng librong ito sapagkat nangangailangan ng mga materyal na gagamitin sa pagtuturo sa unang tatlong baitang sa basic education na itinuturo na sa mga wikang kinagisnan ng mga mag-aaral. Ito ang multi-lingual mother-tongue based education. Sa larangang ito, napakalaki ng kontribusyon ng librong ito.
            Nakakalungkot lamang na hindi maganda ang pagkaimprenta ng librong ito. Halatang tinipid masyado ang printing. Bagama’t may effort na maging kolord ang ilustrasyon sa loob, kulang na kulang pa rin ito at nagmumukhang luma ang libro. Ayon sa kritikong si Isagani R. Cruz, dapat umanong pagandahin ang mga ilustrasyon at pag-imprenta ng mga librong pambata rito sa Filipinas upang makapantay ito sa kalidad ng printing ng mga imported na librong pambata. Kung tsipipay raw kasi ang ating mga librong pambata, magmumukhang kawawa ito kung itabi sa mga imported na libro. Baka iisipin ng mga bata na mababa talaga ang kalidad ng ating mga libro at mas nanaisin nilang basahin ang mga banyagang publikasyon.
            Sa kaso ng librong ito ni Tan Gonzales, talaga namang limitado ang badyet. Kadalasan naman talaga ay tinitipid ang printing ng mga libro dito sa ating bansa. Hindi naman kasi talaga priyoridad ito ng ating pamahalaan. Ang ilang mga may pera sa ating lipunan ay hindi naman talaga inuuna sa listahan ng kanilang pinamimili ang mga libro. Hirap na nga bumenta ang mga librong nalalathala sa Metro Manila, lalo pa kaya ang libro ni Tan Gonzales na sa Iloilo na inilathala at nasa Hiligaynon pa ito.
            Kung pangit man paglalathala ng libro dito sa ating bansa, hindi na ito kasalanan ng mga manunulat. Lalo na kung ang mga manunulat na ito ay kagaya ni Tan Gonzales na sumikap upang maging isang magaling na manunulat.   
            Kapansin-pansin na walang ang dalawang libro ni Tan Gonzales ay walang salin sa Ingles o Filipino. Sa kaniyang paunang salita sa kaniyang librong Sa Taguangkan sang Duta, sinabi niya na ayaw niyang ipasa pa sa kaniyang mga mambabasa ang presyo (o gastos) sa pag-i-imprenta ng mga salin. Gusto kasi niyang makakayang bilhin ng mga ordinaryong tao—mga magsasaka at mangingisda, mga tindero’t tindera, mga manggagawang nagsasalita at nagbabasa ng Hiligaynon—ang kaniyang libro. Tungkol at para sa kanila naman talaga ang kaniyang mga sinusulat.
            Dito ako bilib kay Tan Gonzales. Alam niya ang kaniyang ginagawa. Hindi siya nagsusulat upang magpasikat. Lalong hindi siya nagsusulat upang magkapera. (Hindi ko sinasabing huwag pagkakitahan ng manunulat ang kaniyang mga sinusulat. Ngunit hindi dapat gawing pangunahing motibasyon ng pagsusulat ang pera.) Dalisay at wagas ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang nakagisnang wika at sa sining ng pagkukuwento. Dapat lamang na pamarisan siya hindi lamang ng mga batang manunulat sa Hiligaynon, kundi pati na rin ng mga batang nagsusulat sa mga katutubong wika sa ating bansa sa ngayon. Si Tan Gonzales, katulad ng ibang mga babaeng manunulat sa Hiligaynon na nauna sa kaniya—partikular sina Magdalena G. Jalandoni at Maria Luisa S. Defante-Gibraltar—ay isang tunay na alagad ng sining.
            Ang May Isa Ka Kuring nga Hari ay nagpapatibay sa posisyon ni Tan Gonzales bilang nangungunang manunulat sa Hiligaynon ngayon.

[24 Setyembre 2012
Miriam College]