Alubihod

Alubihod
Isang tagong dalampasigan sa Isla Guimaras (Kuha ni J. I. E. Teodoro)

Sunday, February 17, 2013

Deriada, Defante-Gibraltar, Tan Gonzales kinilala sa Taboan 2013

Tumanggap ng Taboan Lifetime Award si Leoncio P. Deriada at ng Taboan Literary Award sina Maria Luisa S. Defante-Gibraltar at Alice Tan Gonzales sa isang pormal na gabi ng parangal noong ika-9 ng Pebrero na highlight ng Taboan 2013: The Fifth Philippine Writers Festival sa Lungsod Dumaguete.
            Ang Taboan ay ang taunang writers festival ng Comittee on Literary Arts ng National Commission for Culture and the Arts. Ang “Taboan” ay isang Bisayang salita na ibig sabihin ay araw ng palengke o palitan, o ng isang lugar mismo kung saan nagtatagpo-tagpo ang mga tao upang mangalakal. Ang Taboan Award ay bilang papugay sa mga manunulat na malaki ang kontribusyon sa Literatura ng Filipinas.
            Ginanap ang Taboan 2013 noong Pebrero 7-9 sa Bethel Guest House, Colegio de Sta. Catalina de Alexandra, Foundation University, Negros Oriental State University, St. Paul University Dumaguete, at Silliman University. Ang festival director ngayong taon ay si Christine F. Godinez-Ortega.
            Kasama ni Deriada na nabigyan ng lifetime achievement award ay sina Cirilo F. Bautista, Isagani R. Cruz, Resil B. Mojares, at Elmer A. OrdoƱez. Kasama naman nina Defante-Gibraltar at Tan Gonzales na tumanggap ng literary award ay sina Cesar Ruiz Aquino, Poalo Maria Diosdado G. Casurao, Erma M. Cuizon, Lamberto G. Ceballos, Marjorie Evasco, Ernesto D. Lariosa, Rosario Cruz-Lucero, at Victorio N. Sugbo. Ang mga manunulat sa Hiligaynon na unang tumanggap ng Taboan Literary Awards noong 2010 sa Lungsod Cebu ay sina Magdalena G. Jalandoni at Deriada.
            Kabilang sa mga opisyal ng delegado sa Taboan 2013 ang mga manunulat sa Hiligaynon na sina Norman T. Darap, Gil S. Montinola, at Reynaldo A. Villanoy, Jr. (J. I. E. Teodoro, literaturanghiligaynon.blogspot.com)

Tuesday, January 29, 2013

Garcia naglunsad ng bagong libro

Inilunsad noong ika-24 ng Nobyembre 2012 sa Lungsod Iloilo ang libro ng mga maikling kuwento ni Felino S. Garcia, Jr. na pinamagatang Idolo: Mga Sugilanon sang Gugma kag Pagbiya na inimprenta ng Central Books.
            Binubuo ito ng siyam na kuwento tungkol sa ligaya at lumbay ng bading na pag-ibig: “Bulag-Tuig,” “Gugma kag Pamatbat,” “Hingalit nga Gugma,” “Pagbiya,” “Always,” “Idolo,” “Sa Idalum sang Handong,” “Mga Handum,” at “Ginbuy-an, Ginbayaan.”
            Ang Idolo ay pangalawang koleksiyon ng mga bading na maikling kuwento sa Hiligaynon ni Garcia. Ang una ay ang Sa Pagtunod sang Adlaw: Mga Sugilanon na inimprenta rin ni Central Books noong 2011.
            Ang librong ito ay may introduksiyon nina J. I. E. Teodoro at Jesus C. Insilada. Ayon kay Insilada, isang magaling din na manunulat ng sugilanon, “Puno sang kalipay kag pagpabugal nga ginarekomendar ko nga basahon ninyo ang mga sugilanon nga nalakip diri sa libro sang akong idolo nga si Felino S. Garcis, Jr., kamo nga mga tunay nga lalaki, tunay nga babaye, mga tomboy kag mga agi, nagpangbiya man ukon binayaan, kamo tanan, kita tanan nga nagatuo sa gahom sang gugma. (Puno ng ligaya at pagmamalaki kong inirerekomenda na basahin ninyo ang mga sugilanon na nakasama rito sa libro ng aking idolo na si Felino S. Garcia, Jr., kayo na mga tunay na lalaki, tunay na babae, mga tomboy at mga bakla, nang-iwan o iniwanan, kayo lahat, tayong lahat na naniniwala sa kapangyarihan ng pag-ibig.)”  
            Si Garcia ay tubong Lungsod Bacolod. Unang naging kilala bilang makata sa Ingles. Inilathala ang kaniyang kalipunan ng mga tulang Ingles na Heartsong and Other Poems ng Imprenta Igbaong noong 2008. Nanalo ng ikalawang gantimpala sa Palanca ang kaniyang kuwentong “Sa Hingapusan” noong 2007. Nakatanggap na rin siya ng mga gawad mula sa HomeLife Magazine Poetry Contest para sa kaniyang mga tula.
            Nagtapos si Garcia ng B.A. History sa Unibersidad ng Pilipinas Visayas-Iloilo kung saan siya nagturo sa loob ng sampung taon, at ng M.A. History sa Ateneo de Manila University. Kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa isang call center sa Lungsod Taguig, Metro Manila. [literaturanghiligaynon.blogspot.com]

Sunday, September 23, 2012

Rebyu: May Isa Ka Kuring nga Hari ni Alice Tan Gonzales


May Isa Ka Kuring nga Hari Kag Iban Pa nga Sugilanon Para sa Kabataan (Seguiban Printing, 2010, 60 pahina)

 
ANG May Isa Ka Kuring nga Hari (May Isang Pusang Hari) ang ikalawang libro ni Alice Tan Gonzales. Ang una ay ang Sa Taguangkan sang Duta nga inilathala rin ang Seguiban Printing sa Lungsod Iloilo noong 2009.
            Binubuo ang librong ito ng pitong maikling kuwento: “Ang Pagpasimpalad ni Chikitiki sa Ibabaw sang Lamesa” (Ang Pakikipagsapalaran ni Chikitiki sa Ibabaw ng Mesa), “Si Porong kag ang mga Tulabong” (Si Porong at ang mga Tagak), “Si Shuboy Subay,” “Si Paking Sulog,” “Ang Tagataga, ang Tiki, ang Kuring at ang Pari” (Ang Mantis, ang Butiki, ang Pusa at ang Pari), “Si Bogie kag si Oyong” (Si Bogie at si Oyong), at “May Isa Ka Kuring nga Hari.”
            Nasa anyong parabula ang mga ito. At gaya ng inaasahan sa mga librong pambata, nagtuturo ng leksiyon ang mga kuwento tulad ng pagsunod sa bilin ng mga magulang, ang halaga ng kasipagan, pakikipagkaibigan, at pakikipagkapwa tao.
            Napapanahon ang paglathala ng librong ito sapagkat nangangailangan ng mga materyal na gagamitin sa pagtuturo sa unang tatlong baitang sa basic education na itinuturo na sa mga wikang kinagisnan ng mga mag-aaral. Ito ang multi-lingual mother-tongue based education. Sa larangang ito, napakalaki ng kontribusyon ng librong ito.
            Nakakalungkot lamang na hindi maganda ang pagkaimprenta ng librong ito. Halatang tinipid masyado ang printing. Bagama’t may effort na maging kolord ang ilustrasyon sa loob, kulang na kulang pa rin ito at nagmumukhang luma ang libro. Ayon sa kritikong si Isagani R. Cruz, dapat umanong pagandahin ang mga ilustrasyon at pag-imprenta ng mga librong pambata rito sa Filipinas upang makapantay ito sa kalidad ng printing ng mga imported na librong pambata. Kung tsipipay raw kasi ang ating mga librong pambata, magmumukhang kawawa ito kung itabi sa mga imported na libro. Baka iisipin ng mga bata na mababa talaga ang kalidad ng ating mga libro at mas nanaisin nilang basahin ang mga banyagang publikasyon.
            Sa kaso ng librong ito ni Tan Gonzales, talaga namang limitado ang badyet. Kadalasan naman talaga ay tinitipid ang printing ng mga libro dito sa ating bansa. Hindi naman kasi talaga priyoridad ito ng ating pamahalaan. Ang ilang mga may pera sa ating lipunan ay hindi naman talaga inuuna sa listahan ng kanilang pinamimili ang mga libro. Hirap na nga bumenta ang mga librong nalalathala sa Metro Manila, lalo pa kaya ang libro ni Tan Gonzales na sa Iloilo na inilathala at nasa Hiligaynon pa ito.
            Kung pangit man paglalathala ng libro dito sa ating bansa, hindi na ito kasalanan ng mga manunulat. Lalo na kung ang mga manunulat na ito ay kagaya ni Tan Gonzales na sumikap upang maging isang magaling na manunulat.   
            Kapansin-pansin na walang ang dalawang libro ni Tan Gonzales ay walang salin sa Ingles o Filipino. Sa kaniyang paunang salita sa kaniyang librong Sa Taguangkan sang Duta, sinabi niya na ayaw niyang ipasa pa sa kaniyang mga mambabasa ang presyo (o gastos) sa pag-i-imprenta ng mga salin. Gusto kasi niyang makakayang bilhin ng mga ordinaryong tao—mga magsasaka at mangingisda, mga tindero’t tindera, mga manggagawang nagsasalita at nagbabasa ng Hiligaynon—ang kaniyang libro. Tungkol at para sa kanila naman talaga ang kaniyang mga sinusulat.
            Dito ako bilib kay Tan Gonzales. Alam niya ang kaniyang ginagawa. Hindi siya nagsusulat upang magpasikat. Lalong hindi siya nagsusulat upang magkapera. (Hindi ko sinasabing huwag pagkakitahan ng manunulat ang kaniyang mga sinusulat. Ngunit hindi dapat gawing pangunahing motibasyon ng pagsusulat ang pera.) Dalisay at wagas ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang nakagisnang wika at sa sining ng pagkukuwento. Dapat lamang na pamarisan siya hindi lamang ng mga batang manunulat sa Hiligaynon, kundi pati na rin ng mga batang nagsusulat sa mga katutubong wika sa ating bansa sa ngayon. Si Tan Gonzales, katulad ng ibang mga babaeng manunulat sa Hiligaynon na nauna sa kaniya—partikular sina Magdalena G. Jalandoni at Maria Luisa S. Defante-Gibraltar—ay isang tunay na alagad ng sining.
            Ang May Isa Ka Kuring nga Hari ay nagpapatibay sa posisyon ni Tan Gonzales bilang nangungunang manunulat sa Hiligaynon ngayon.

[24 Setyembre 2012
Miriam College]